by Bernie V. Franco | SEP 28, 2021
PHOTO/S: FACEBOOK (LUNETA ICE CREAM)
The couple Rhea Topacio and Dennis Rogacion now hold dual citizenship, as Filipino-Dutch.
Kuwento ni Rhea,
“Una naming balakid, siyempre, hindi naman kami mayaman. So, wala kaming pondo. Minsan kulang kami sa oras, kasi may full-time job yung asawa ko. May anak pa kaming maliit. Tapos nung medyo lumaki na, kinailangan na talaga naming ilagay sa factory. Ginagawa namin yung recipes, ‘tapos babantayan ni Dennis habang ginagawa yung ice cream. Mula doon dini-distribute na iyon sa mga tindahan.”
Ayon kay Rhea, “Kasi gusto namin yung pangalan, narinig mo pa lang…” Dugtong ni Dennis, “Naiisip mo yung Sunday afternoon sa park noong maliliit tayo.”
Ang best-sellers nila ay ube, pandan, at mango flavors. Nangunguna raw ang ube dahil nami-miss ito ng mga Pinoy roon. Kinagat ng mga Dutch ang ube dahil interesado raw sila sa kulay purple na ice cream. Ani Rhea, “So, gusto nilang malaman bakit ito purple, anong lasa nito. Pag tinikman nila, natutuwa sila,”
Inaangkat naman nila sa Pilipinas ang ube at manga na ginagamit bilang sangkap, habang ang ibang flavors ay available na sa the Netherlands.
Sambit ni Rhea, “Humahabol ang macapuno at kapeng barako.”
Sa kabuuan, nagkaroon ang Luneta Ice Cream ng 13 flavors.
Pero labis na naapektuhan ang kanilang ice-cream business nang mangyari ang pandemya. Pagbabalik-tanaw ni Rhea, “Nung nagsimulang mag-lockdown, nganga! Kahit isang event, walang natuloy. So, yung food truck namin nandun lang, nagtatago sa silong. Pero tuloy pa rin yung bayad.”
Nagsarado ang business establishments, at natigil ang produksiyon ng ice cream nina Rhea at Dennis. Ayon pa rin kay Rhea, naisip nilang mag-asawa na gumawa ng flavorings, “July 2020, kasagsagan ng pandemya, may mga kaibigan na kami sa industriya na kinakausap namin kung puwede namin gawin yung ube flavor.”
Sinubukan raw nila ang flavorings sa paggawa ng pandesal at cakes. Hanggang sa makuha nila ang timpla noong October 2020.
Apat na flavorings ang nagawa nila: Ubeness, Langkaness, Buko Pandaness, at Mangoness. Pumatok ito sa mga taong pinasok ang baking.
Sa kalagitnaan din ng pandemya, nakalikha rin sila ng isa pang produkto, isang Philippine beer. Ani Rhea, “Sinimulan naming pag-aralan iyang Guapito mga 2019, tinulungan kami nung kaibigan namin na Dutch na gumawa ng beer. So, nagustuhan namin.” Noong April 2020 ay gusto na raw sana nilang i-relese sa market ang Guapito Beer para tumaon sana sa Philippine Independence sa June 12. Dugtong ni Rhea, “Pero dahil nga sa pandemya, walang mga event. Sarado yung mga factory.” Ayon naman kay Dennis, “Matagal na naming gustong magkaroon ng brand ng beer to promote the Philippine food nga. Ang available lang dito is all-imported beer. Nag-decide kami na subukan.” Paglalarawan ni Rhea sa lasa ng beer: “Mapait siya na konting manamis-namis, pero puwede inumin ng babae.” October 2020, ini-release na nila ang Guapito Beer. Ani Rhea, “Maraming Pilipino yung natuwa, pati yung ibang lahi. Yung mga asawa ng mga Pinay masayang-masaya sila sa lasa ng beer kasi mae-enjoy mo siya. Ang Guapito Beer ang first Filipino brand na beer na dito ginawa sa the Netherlands.” Ngayon, inaani na ng mag-asawa ang pagsusumikap nila.
Mabibili ang Guapito beer sa mga Filipino stores sa Amsterdam at Wateringen sa the Netherlands at iba pang bahagi ng Europa, sa Luxembourg at Belgium. Mabibili naman ang Luneta Ice Cream sa buong Europa—Italy, Spain, hanggang the United Kingdom., Norway, Sweden, Denmark. “Lahat ng 37 countries under the European Union,” sambit ni Rhea. Masaya raw silang mag-asawa kapag nakikita nila ang kanilang flavorings na ipino-post sa social media ng kanilang mga parokyano. Sabi ni Rhea, “Kapag nakikita namin sa social media lalo pag galing sa Barcelona, sa Norway, o kaya sa Sweden. Nakikita mo yung bote ng Ubeness, kasama ng cake nila.”
Sa kabila ng mga hamong pinagdaanan nila bago umangat, hindi sila nawalan ng pag-asa at sa sarili nila ito nanggaling. Ani pa niya, “Hindi naman kailangan nasa ibang bansa, kailangan nasa Pilipinas ka. Walang pinagkaiba yan lahat tayo naapektuhan ng pandemya. Kailangan mo rin tibayan ulit yung sarili mo.”
Payo naman ni Dennis, “Huwag susuko, pag-isipan pa kung ano yung iba mo pang magagawa. Laging may paraan.”